Ang pokus ng susunod na pagdinig ng Royal Commission ay ang mga karanasan ng mga taong may kapansanan mula sa mga komunidad ng iba't ibang kultura at wika
Pampublikong Pahayag ika-24 ng Oktubre 2022
Filipino
Ang pokus ng susunod na pagdinig ng Royal Commission ay ang mga karanasan ng mga taong may kapansanan mula sa mga komunidad ng iba't ibang kultura at wika
Simula sa ika-24 ng Oktubre 2022, ang Disability Royal Commission ay magdaraos ng ika-29 na pampublikong pagdinig sa Melbourne upang suriin ang mga karanasan ng karahasan laban sa kanila, pang-aabuso, pagpapabaya, at pagsasamantala sa mga taong may kapansanan mula sa mga komunidad ng iba't ibang kultura at wika (CaLD). Kabilang dito ang mga taong mula sa komunidad ng d/Deaf (bingi/Bingi), Deafblind (Bingi't bulag) at may kahirapan sa pandinig na tumutukoy sa kanilang sarili na mula sa iba't ibang kultura at wika.
Ang Race Discrimination Commissioner ng Australya, si Chin Tan, ay isa sa ilang mga saksi na magbibigay ng ebidensya sa pagdinig, na idaraos sa loob ng limang araw.
Si Ginoong Tan ay magsasalita tungkol sa mga inisyatiba upang labanan ang rasismo (racism) at mga paraan upang itaguyod ang pagsasali ng mga taong may kapansanan na mula sa mga komunidad na multikultural.
Pagtutuunan ng unang dalawang araw ang mga karanasan ng komunidad ng Bingi; magbabahagi ng kanilang mga karanasan ang mga taong d/Deaf, Deafblind at may kahirapan sa pandinig.
Maririnig natin ang kahalagahan ng Auslan at identidad ng Bingi. Magbabahagi ang mga taong Bingi ng kanilang mga karanasan sa pagkatuto ng wika at ang epekto ng pag-aalis ng wika.
Sa loob ng susunod na tatlong araw, pakikinggan namin ang ebidensya mula sa mga taong may kapansanan mula sa iba pang kultura at wika.
Sisiyasatin ng pagdinig ang:
-
iba't ibang saloobing kultural at pag-unawa ng kapansanan
-
intersectionality[1] at identidad
-
mga hadlang sa paggamit at pakikipag-interaksyon sa mga sistema at serbisyo sa Australya.
Magbibigay ng ebidensya ang mga kinatawan ng Pamahalaang Australya tungkol sa paglahok sa Sistema ng Pambansang Seguro sa Kapansanan (National Disability Insurance Scheme) at pag-access sa mga suporta at serbisyong pangkapansanan para sa mga migrante at mga taong may kapansanan mula sa mga komunidad ng iba't ibang kultura at wika.
Ang CaLD Senior Advisor sa Royal Commission na si Dr Dinesh Palipana OAM ay nagsabi na nakipagtulungang mabuti ang mga kawani sa pangkapansanang mga organisasyon na kumakatawan sa Deaf at CaLD upang sila ay makapaghanda para sa pagdinig.
'Ang pagdinig ay gagamit ng pamamaraang nakatuon sa tao at tutulungan ang mas malawak na publiko upang mas mabuting maunawaan ang mga karanasan ng mga taong mula sa iba't ibang kultura na may kapansanan.
'Ito ay isang mahalagang pagkakataon upang mailantad ang mga hadlang sa sistema at lipunan na umaambag sa karahasan, pang-aabuso, pagpapabaya at pagsasamantala ng mga taong may kapansanan mula sa mga komunidad ng iba't ibang kultura at wika – at upang siyasatin ang mga mahahalagang isyu tungkol sa identidad at komunikasyon.'
Idaraos ang pagdinig sa Melbourne Convention and Exhibition Centre, 1 Convention Centre Place, South Wharf mula sa ika-24 hanggang ika-28 ng Oktubre 2022, at ito ay bukas upang daluhan ng publiko.
Ang mga mamamahayag na nagnanais ibalita ang pagdinig ay dapat abisuhan ang pangkat ng media ng Royal Commission upang matiyak ang pag-access sa media room at/o nauugnay na impormasyon kabilang ang mga iskedyul at mga live transcript.
Mangyaring idirekta ang lahat ng mga tanong sa pangkat ng media ng Royal Commission sa 0436 841 166 o sa DRCmedia@royalcommission.gov.au.
[1] Ang salitang ‘intersectionality’ ay tumutukoy sa paraan ng pag-unawa sa bukod-tanging karanasan ng isang taong may kapansanan ng diskriminasyong maraming suson at nagsasalikop at disbentaha na batay sa kanilang mga personal na katangian. Maaaring kabilang sa mga katangiang ito ang edad, kasarian, identidad ng kasarian, oryentasyong sekswal, katayuang intersex, pinagmulang etniko o lahi, kabilang ang partikular na katayuan ng mga taong Aborihinal at Torres Strait Islander na may kapansanan at mga taong may kapansanan na mula sa iba't ibang kultura at wika.